Hapee lalong naatat umakyat sa PBA
MANILA, Philippines - Ang nakuhang PBA D-League Aspirants’ Cup title ng Hapee Fresh Fighters ang nagpapaigting sa pagnanais ng koponan na masama sa Philippine Basketball Association (PBA).
“Noong sumali kami sa D-League, our intention is to go up to the PBA,” wika ni Hapee team owner Dr. Cecilio Kwok Pedro.
Limang taon na napahinga ang koponan sa amateur league pero sa huling dalawang taon ay maugong ang balitang interesado sila na mapabilang sa pro league.
Hindi naman mapapahiya ang Hapee sakaling tanggapin ng PBA dahil makakatulong ito sa pagpapalawig sa popularidad ng liga.
“I think the PBA would want a company like us because we are a fast-moving consumer product company and we have a lot of followers. They (PBA) like to see followings. We need good players to be competitive in the PBA,” ani Pedro.
Nais ng Hapee na mabigyan din sila ng ‘direct hire’ mula sa kanilang dating amateur teams na naipagkaloob sa mga bagong pasok noon sa PBA na Tanduay, Red Bull at Rain Or Shine.
Sinasabing dalawang manlalaro ang nais bitbitin ng Hapee sa PBA at ito ay sina Fil-Am guard Chris Newsome at ang 6’7” center Troy Rosario.
Palalakasin pa ng Hapee ang paghahangad na maging ika-13 PBA team sa 41st season ng PBA sa pagsungkit ng ikalawang sunod na kampeonato sa paglalabanang Foundation Cup. (AT)
- Latest