Oranza inangkin ang Stage 1 ng Luzon qualifying ng Ronda
SAN JOSE, Tarlac, Philippines – Ipinakita ni Ronald Oranza ang kanyang kahandaang magkampeon matapos pamahalaan ang Stage One ng Luzon qualifying leg ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC na nagsimula sa Provincial capitol at natapos sa Monasterio de Tarlac dito.
Nagtala si Oranza, kasama ng national team na sumabak sa nakaraang Asian Cycling Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong nakaraang linggo, ng 3 oras, 32 minuto at 1 segundo sa naturang 138.9-kilometer Stage One.
Dumikit si Elmer Navarro ng Team Cebu kay Oranza ngunit nabigong malampasan ang huli para sa kanyang oras na 3:32.17 kasunod sina Navymen Jan Paul Morales, inaugural Ronda champion Santy Barnachea at John Mark Camingao.
Sinabi ni Oranza, awtomatiko nang mapapasama sa championship round kasama si 2014 winner Reimon Lapaza ng Butuan City at mga kapwa national team members sa pamumuno ni Mark Galedo, na ginagamit niya ang Luzon qualifying para paghandaan ang main event kung saan hangad niyang makamit ang kanyang unang Ronda title.
“Sana magawa ko this year,” sabi ni Oranza, ibinulsa ang top purse na P25,000,00.
Malaki ang tsansa ni Oranza na magawa ito dahil solido ang suporta sa kanya ng national squad at ng Navy-Standard Insurance team na binabanderahan ng 38-anyos na si Barnachea, asam na maging unang siklista na nagwagi ng dalawang beses sa annual race.
Si Oranza ang naging sprints leader matapos ungusan sina Morales at Navarro bukod pa sa pagiging King of the Mountain.
Isusuot ni Oranza ang LBC red jersey bilang lider, habang gagamitin ni Morales ang Petron Blue jersey at white Mitsubishi polka dot jersey para kay Navarro.
- Latest