Bacolod City pagdarausan ng Davis Cup?
MANILA, Philippines – Sinisipat ng Philippine Tennis Association (Philta) ang Bacolod City para maging venue ng Davis Cup na kung saan makakaharap ng Phl Team ang Sri Lanka sa Marso 6 hanggang 8.
Opening tie ito ng 2015 Asia-Oceania Zone Group II tie at balak ng mga pambato ng bansa na mailista ang ika-siyam na sunod na panalo sa Sri Lankan netters.
Huling naglaban ang dalawang bansa noong 2014 sa pagbubukas ng Davis Cup at sina Fil-Ams Ruben Gonzales at Treat Huey ay sinamahan nina Patrick John Tierro at Johnny Arcilla.
Ang nasabing grupo ang kumuha ng 3-1 panalo sa labanang ginawa sa Sri Lanka.
Sa ngayon ay nasa Bacolod City si Philta secretary-general Romy Magat para inspeksiyunin ang mga pasilidad kung saan puwedeng idaos ang aksyon sa Davis Cup Group 2 tie.
“We want to further promote the sport of tennis and one way to do it is by holding competitions like the Davis Cup in other places,” wika ni Magat.
Ang Plantation Bay sa Cebu City ang madalas na pinagdarausan ng Davis Cup kung hindi ito ginagawa sa Manila.
Kinukumpuni sa ngayon ang Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Manila dahil binububungan ang center court nito kaya’t hindi puwedeng pagdausan ng laro.
Ang mananalo pa rito ay papasok sa Davis Cup Finals na gagawin mula Setyembre 18 hanggang 20 at makakalaban ang lulusot sa mga nasa kabilang bracket na binubuo ng Iran, Indonesia, Kuwait at Pakistan.
- Latest