Floyd pinabulaanan ang report ng TMZ
MANILA, Philippines – Mariing pinabulaanan ni American boxing superstar Floyd Mayweather Jr. ang isang ulat ng TMZ na kasado na ang kanilang super fight ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa isa niyang Instagram post, sinabi ni Mayweather na hindi totoo ang naturang TMZ report.
“Laying back, relaxing, enjoying good weather, palm trees and piña coladas,” sabi ni Mayweather sa caption ng kanyang larawan habang nakahiga sa isang duyan sa Jamaica.
“While they continue to lie about making the fight, I’m just going to continue to travel and explore the world on my private jet,.”
Inilagay din ni Mayweather ang hashtag na “Fight Not Made Yet.”
Sa TMZ report kamakailan, ibinunyag nito ang pagkakaplantsa ng banggaan nina Pacquiao at Mayweather.
Ito, ayon sa TMZ, ay mula sa kanilang ‘multiple sources’.
Kaagad namang pinasinungalingan nina Bob Arum ng Top Rank Promotions at Showtime executive Stephen Espinoza ang nasabing ulat.
Sinabi nina Arum at Espinoza na may ilan pang bagay na kailangang ayusin bago ang pormal na paghahayag ng Pacquiao-Mayweather mega showdown.
“This deal is not close to being done – and everyone involved knows that,” wika ni Espinoza.
- Latest
















