Bosh, Deng nanguna para sa Heat sa paggupo sa Sacramento Kings
SACRAMENTO, California — Kumolekta si Chris Bosh ng 30 points at nagdagdag ng 25 si Luol Deng para tulungan ang Miami Heat sa 95-83 panalo laban sa Sacramento Kings.
Gumamit ang Miami ng solidong depensa para limitahan si high-scoring center DeMarcus Cousins ng Sacramento.
Nagdagdag si rookie point guard Shabazz Napier ng 12 points, 5 assists at 6 rebounds para sa Heat.
Hindi nagamit ng Miami si leading scorer Dwyane Wade sa ikalawang sunod na laro bunga ng hamstring strain nito.
Hindi rin nakita si Wade, magdiriwang ng kanyang ika-33 kaarawan ngayon, sa pitong laro noong Nobyembre dahil sa hamstring injury.
Tumapos si Cousins na may 17 points at 11 rebounds sa panig ng Kings, nakamit ang ikalawang sunod na kabiguan.
Tumipa si Cousins ng malayang 4-of-12 fieldgoal shooting at may 3 points lamang sa kabuuan ng second half bunga ng depensa sa kanya ng Miami.
Nagdagdag si Ben McLemore ng 15 markers kasunod ang 13 ni Darren Collison para sa Sacramento.
Ang perimeter shot ni Napier ang nagbigay sa Heat ng 86-66 sa 6:41 minuto ng fourth quarter at hindi na nilingon pa ang Kings.
Sa Los Angeles, nagpasabog si guard Kyrie Irving ng 37 points kasunod ang 32 ni LeBron James para igiya ang Cleveland Cavaliers sa 126-121 panalo kontra sa LA Clippers.
Nagdagdag si Tristan Thompson ng season-high na 24 points at 12 rebounds bilang kapalit ni Kevin Love, sumakit ang likod matapos ang kanilang panalo sa Lakers kamakalawa.
Sa Toronto, kumalawit si Al Horford ng 22 points, habang may 16 si Paul Millsap para pamunuan ang Atlanta Hawks sa 110-89 paggupo sa Raptors at ilista ang kanilang 11-game winning streak.
- Latest