Dalawang bigating karera pakakawalan sa Santa Ana
MANILA, Philippines - Mga kabayong may edad na 3-anyos ang kukuha ng atensyon sa unang dalawang malalaking pakarera ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa taong 2015.
Gagawin ito sa bakuran ng Santa Ana Park sa Naic, Cavite ngayon at bukas at tatawaging 2015 Philracom 3YO Local Fillies at Colts Stakes.
Sa 1,300-metro distansya paglalabanan ang dalawang karera at may pitong kabayo ang magsusukatan sa fillies ngayong hapon.
Ang mga kabayong ito at mga hineteng didiskarte ay ang Burbank ni Jordan Cordova, Hurricane Ridge ni Jeff Zarate, Princess Ella ni Jonathan Hernandez, Dauntless ni Rodeo Fernandez, Princess Meili ni Mark Alvarez, One Eyed Jane ni Fernando Raquel Jr. at Bungangera ni Jeff Bacaycay.
Sa kabilang banda, limang kabayo ang magpapaligsahan sa hanay ng mga colts bukas at ito ay ang Super Spicy ni Raquel, Thunder Maxx ni Christopher Garganta, Jebel Ali ni Val Dilema, Show Time ni Jan Alvin Guce at Breaking Bad ni Dominador Borbe Jr.
Sinahugan ng Philracom ng tig-P500,000.00 kabuuang premyo at ang mananalo ay magkakamit ng P300,000.00.
Tatanggapin ng papangalawang kabayo ang P112,500.00, habang may P62,500.00 at P25,000.00 ang makukuha ng papangatlo at papang-apat.
Ang winning breeder ay may P15,000.00 gantimpala.
Magagamit ng mga horse owners ang karerang ito bilang bahagi ng paghahanda sa gaganaping 2015 Triple Crown Championship sa Mayo.
Sa paglipat ng karera sa Metro Turf sa Malvar, Batangas sa Enero 25 ay paglalabanan naman ang 2015 Philracom Commissioner’s Cup na bukas para sa mga kabayong may edad apat na taon pataas.
Sa 1,800-metro distansya gagawin ang karera at inaasahang makikita rito ang nagdominang Hagdang Bato.
- Latest