Oladipo bumandera para sa panalo ng Orlando Magic
ORLANDO, Fla. -- Ipinakita ng Magic ang pinakamaganda nilang laro ngayong season laban sa isa sa pinakamabigat na koponan sa Western Conference para wakasan ang kanilang six-game losing slump.
Umiskor si Victor Oladipo ng 32 points, habang nagdagdag si Nik Vucevic ng 25 at 12 rebounds para sa pagbangon ng Orlando patungo sa 120-113 panalo laban sa Houston Rockets.
Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng Magic.
Tinapos din nila ang four-game winning streak ng Rockets.
Inilista ni Oladipo ang kanyang pangalawang dikit na 30-point game matapos kumamada ng 33 points sa panalo ng Magic sa Chicago Bulls noong Lunes.
“I think it took time but we’ve figured out how to play,” wika ni Oladipo. “Now that we’ve figured it out, we can’t change it.”
Nag-ambag sina Elfrid Payton at Channing Frye ng tig-15 points.
Nagposte si James Harden ng 26 points at 10 assists para sa Houston, habang nagtumpok si Dwight Howard ng 23 points at 8 rebounds.
Ang back-to-back baskets ni Payton at three-pointer ni Frye ang nagbigay sa Magic ng 111-107 abante sa huling 1:20 minuto.
Sa Charlotte, naglista si Manu Ginobili ng 27 points mula sa 10-of-14 shooting para pamunuan ang San Antonio Spurs sa 98-93 panalo kontra sa Hornets.
Nagdagdag si Danny Green ng 18 points at humakot si center Tim Duncan ng 14 points at 10 rebounds para sa San Antonio.
Sa Toronto, tumipa si Kyle Lowry ng 18 points at 12 assists, habang umiskor si DeMar DeRozan ng walo sa kanyang 20 points sa fourth quarter sa kanyang pagbabalik matapos ang groin injury para ihatid ang Raptors sa 100-84 pananaig sa Philadelphia 76ers.
- Latest