2-0 asam ng Aces
MANILA, Philippines - Ipinakita ng Alaska ang kanilang karakter matapos bumangon mula sa 17-point deficit sa second quarter para talunin ang Rain or Shine sa Game One ng kanilang semifinals series noong Huwebes.
“It means we can beat them,” sabi ni American head coach Alex Compton sa 87-80 panalo ng kanyang Aces sa Elasto Painters para kunin ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-seven semifinals showdown sa 2014-2015 PBA Philippine Cup.
Umaasang muling ipapakita ang kanilang katapangan, pupuntiryahin ng Alaska ang malaking 2-0 bentahe sa pagsagupa sa Rain or Shine sa Game Two ngayong alas-5 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mula sa 17-34 pagkakabaon sa second period ay unti-unting rumesbak ang Aces sa third quarter kung saan humugot si guard RJ Jazul ng 10 sa kanyang 12 points.
Kaya naman hangang-hanga si Compton sa kanyang koponan.
“I’m proud of the guys. They weathered the storm. The guys didn’t stop playing hard,” ani Compton partikular kina Jazul, Sonny Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio, Calvin Abueva at Vic Manuel.
Umaasa si Compton na natuto na ang Alaska sa masaklap na eksperyensa nila sa mga kamay ng Rain or Shine.
Matapos pitasin ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-five semis showdown ay naungusan sila ng Elasto Painters, 3-2 sa nakaraang PBA Governors’ Cup.
Sa kabila naman ng kabiguan sa series opener ay kumpiyansa pa rin si Rain or Shine mentor Yeng Guiao na makakatabla sila sa Game Two.
“May chance ka pang maka-recover so okay na rin ‘yun. Kaya hindi naman ako nagagalit. Siguro, it comes with the feeling that we will still be okay,” sabi ni Guiao.
Kasalukuyan pang nag-lalaro ang San Miguel at ang Talk ‘N Text sa game One ng kanilang semis series habang isinusulat ito kagabi.
- Latest