Asian Juniors and Girls’ Chess C’ship Narayanan, Suede sigurado na sa titulo
TAGAYTAY CITY, Philippines—Nanalo sina defending champion International Master Srinath Narayanan ng India at Mikee Charlene Suede ng Philippines sa kani-kanilang mga kalaban sa ikawalong round nitong Miyerkules ng gabi upang masiguro ang 2014 Asian Juniors at Girls Championships titles kahit may isang round pang natitira sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Tagaytay International Convention Center.
Pinabagsak ni Narayanan si Bangladeshi Haque Siam Ikramul para lumikom ng kabuuang 7.0 points upang layuan si Fide Master Paulo Bersamina na may 6.0 puntos sa karera para sa open division crown.
Tinalo naman ni Suede si Marie Antoinette San Diego para sa kanyang ikaanim na sunod na panalo tungo sa kabuuang 6.5 points na hindi na rin aabutin ni Indian WFM J Saranya (5.5) sa Girls division ng tournament na para sa mga players na edad 20-gulang at pababa.
Kalaban ng top-seed na si Narayanan ang kulelat na si Renz Marvin Santos (1.0) habang kaharap ni Suede, seventh seed lamang, si Indian Pv Nandhidhaa (5.0) sa ninth at final round na nilalaro kagabi habang sinusulat ang balitang ito.
Kahit matalo sina Narayanan at Suede na malabong mangyari kasabay ng panalo nina Bersamina at Saranya sa kanilang mga laban, ang dalawang nangu-ngunang player pa rin ang matsa-champion sa torneo kapag ginamit ang tiebreak.
Bagama’t nauwi sa draw ang laban nina Narayanan at Bersamina, nanalo kay John Merill Jacutina sa fourth round, ang Indian player pa rin ang tatanghaling kampeon dahil mas marami ang kanyang panalo na anim kumpara sa apat na panalo lang ng Pinoy.
Wala nang kawala sa 20-gulang na si Suede, Physical Education senior sa University of the Phi-lippines, ang titulo sa girls division dahil tinalo niya si Saranya sa kanilang paghaharap sa fifth round.
- Latest