Umangat ang Pinas sa FIFA ranking
MANILA, Philippines - Tumaas pa ng isang baytang ang Philippine sa bagong rankings na ipina-labas ng world football governing body na FIFA.
Sa talaan na inilabas ng FIFA noong Nobyembre 27, ang Pilipinas ngayon ay nasa ika-128th puwesto mula sa 129th sa buwan ng Oktubre at lumabas pa rin bilang pinakamahusay na bansa sa sport sa hanay ng mga South East Asian countries.
Umakyat ang Pinas bunga ng panalo ng Azkals laban sa Cambodia (3-0) at Laos (4-1) noong Nobyembre 14 at 22. Tinabunan ng mga panalong ito ang 3-0 pagkatalo sa Thailand noong Nob. 9.
Ang mga laro laban sa Thailand at Cambodia ay mga international friendly matches habang ang tagisan kontra sa Laos ay sa pagbubukas ng 2014 AFF Suzuki Cup sa Hanoi, Vietnam.
Malaki pa ang posibilidad na maitala ng bansa ang pinakamataas na ranking sa international football kung magkakaroon ng magandang kalalabasan ang kampanya sa Suzuki Cup.
Ang koponan ni German/American coach Thomas Dooley na nanalo pa sa Indonesia (4-0) at kinaharap ang Vietnam kagabi ay nakapasok na sa semifinals ng Suzuki Cup.
Ang pinakamataas na ranking na naabot ng Pilipinas ay nasa 127th puwesto na hinawakan mula Disyembre 2013 hanggang Marso ng 2014.
Pumapangalawa sa bansa sa Southeast Asia ay ang Vietnam na nasa ika-138th puwesto habang ang Myanmar ang nasa ikatlo sa 140th puwesto bago sumunod ang Thailand (144th), Malaysia (155th), Indonesia (157th), Singapore (158th), Laos (159th) at Timor-Leste (185th).
Ang pag-angat ng Pilipinas ay tiyak na makakatulong para tumaas ang kumpiyansa ng Azkals sa pagpasok ng mahalagang yugto sa Suzuki Cup.
Kung matatalo ang Azkals kagabi, ang Vietnam ang magiging number one sa Group A at papangalawa ang bansa para makasagupa ang Thailand sa home-and-away semis.
Taong 2010 nang unang pumasok ang Pilipinas sa semis bago nasundan noong 2012. Pero walang suwerte ang pambansang koponan dahil natalo sila sa Indonesia at Singapore para masibak sa torneo. (AT)
- Latest