Golden Rule nalo kay P. Dilema
MANILA, Philippines – Naibigay ni Pat Dilema ang hanap na panalo sa kabayong Golden Rule para bigyang kasiyahan ang mga dehadista noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Nagawang hiyain ng apat na taong colt na may lahing With Class at Beannie’s Ruler ang malakas na hamon na ibinigay ng mga kabayong King Rampire ni RG Fernandez at Lucky Leonor ni Dan Camañero para manalo sa Handicap Race 8 na pinaglabanan sa 1,200-metro distansya.
Naunang lumamang ang King Rampire pero pagpasok sa rekta ay magkasabay na sila ng Golden Rule. Malakas din ang pagdating ng Lucky Leonor pero buo pa na dumating ang Golden Rule na nakaungos ng isang ulo sa kabayo ni Fernandez.
Kinapos din ng isang ulo ang Lucky Leonor para sa ikatlong puwesto.
Ito ang unang panalo matapos ang tatlong takbo ng Golden Rule sa buwan ng Nobyembre at si JF Paroginog ang hinete noon ng kabayo.
Halagang P52.00 ang ibinigay sa win habang ang 7-1 forecast ay naghatid ng P175.50 dibidendo.
Ito ang ikalawang panalo ni Dilema sa unang gabi sa pista na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) dahil una itong nagwagi sa kanyang pagdiskarte ang dalawang taong filly na Imcoming Imcoming sa isang special race na ginawa sa 1,200-metro distansya.
Sa pagbukas ng aparato ay lumayo agad ang nasabing kabayo pero naghabol ang Corragioso na hawak ni Kevin Abobo para maging mainit ang tagisan.
Ngunit naubos ang Corragioso sa malakas na ayre ng Imcoming Imcoming dahilan upang lumayo sa rekta ang nanalong kabayo.
Nakasilat pa sa ikalawang puwesto ang Air Control bago tumawid ang Corragioso.
Ang win ng Imcoming Imcoming na tumakbo kasama ang coupled entry Señor Patrick ay una sa ikalawang takbo sa buwang ito at napangatawanan ng tambalan ang pagiging paborito sa 11 naglaban upang magkaroon lamang ng P5.00 dibidendo sa win.
Dehado pa ang Air Control upang magpasok ng P53.50 ang 5-1 forecast.
Ang iba pang nanalo ay ang Ik Hou Van Jou sa race one, Prime Over sa race three, Panamera sa race four, Mrs. Teapot sa race five, Mr. Tatler sa race 7 at Saltmine sa race 8. (AT)
- Latest