‘Practice’ para sa Final 4
MANILA, Philippines - Kumpleto na ang Final Four kaya layuning tapusin na lamang ng mga semifinalists nang Petron, Generika at Cignal ang double-round eliminations sa pamamagitan ng panalo.
Lalabanan ng No. 1 Blaze Spikers ang No. 3 Life Savers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang pagkikita ng No. 4 HD Spikers at sibak nang Foton Tornadoes sa alas-2 sa women’s division ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics na dadako sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Sa kabila ng kanilang 5-5 record ay naagaw ng RC Cola-Air Force ang No. 2 spot sa Generika (6-3) dahil sa kanilang mas mataas na ranking base sa match points, bilang ng mga panalo, set quotient at points quotient sa nasabing inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Sa likod nina imports Alaina Bergsma at Erica Adachi, inangkin ng Petron ang top seeding sa bisa ng kanilang 8-1 baraha.
Sa ‘sudden-death’ Final Four sa Biyernes ay lalabanan ng Blaze Spikers ang HD Spikers, samantalang sasagupain ng Raiders ang Life Savers.
Ang dalawang koponang mananalo ang magkalaban sa finals na nakatakda sa Linggo.
“We need a victory to further boost our morale entering the semifinal round,” sabi ni Petron coach George Pascua, natalo sa RC Cola-Air Force via four-set na dumiskaril sa tangka nilang pagwalis sa eliminasyon.
Kasalukuyan namang nasa isang four-game winning streak ang Generika.
Sa men’s division, paglalabanan ng Cavite at ng Maybank ang pangatlong puwesto sa kanilang banggaan sa alas-6 ng gabi.
- Latest