Perpetual spikers dumiretso sa 50-sunod na panalo
MANILA, Philippines – Iginupo ng Perpetual Help ang Letran, 25-20, 25-20, 25-20 kahapon tungo sa kanilang ika-50th sunod na panalo sa NCAA men’s volleyball na nagpatuloy sa The Arena sa San Juan City.
Nagsalitan sina Rey Taneo, Allan Jay Sala-An at Neil Barry Ytorzaita sa pag-atake para pagtulungan ang 35 hits kabilang ang 30 sa attacks upang manatiling walang talo ng apat na taon na.
Ngunit sinabi ni Perpetual Help coach Sammy Acaylar na mas nakatuon sila sa ikalimang sunod na titulo kaysa sa kanilang winning streak.
“Streak or no streak, our goal is to win the championship,” sabi ni Acaylar.
Sinaluhan ng Emilio Aguinaldo College ang Perpetual Help sa liderato matapos iposte ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng 25-12, 25-17, 25-19 tagumpay sa Jose Rizal.
Patuloy sa pananalasa si power-hitter Howard Mojica na kumamada ng 17 hits kabilang ang 14 sa kills.
Sa women’s action, iginupo ng reigning three-peat champion Perpetual Help ang Letran, 25-21, 25-17, 27-25 para makopo ang solo lead sa bisa ng kanilang 3-0 slate.
Pinangunahan ni Ana James Diocareza ang lahat ng hitters sa kanyang 19 points habang sina Ma. Lourdes Clemente at Shyrra Cabriana ay may 14 at 10-points, ayon sa pagkakasunod.
Naungusan naman ng Jose Rizal ang EAC, 25-22, 13-25, 25-22, 20-25, 15-12 para sumulong sa 2-1 karta.
- Latest