Walang nakasabay sa Dixie Gold
MANILA, Philippines – Magandang pagbabalik ang naipakita ng Triple Crown veteran na Dixie Gold nang manalo sa nilahukang karera noong Martes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa pagdikarte ni Pat Dilema ay walang naging problema ang Dixie Gold na pagharian ang 1,400-metro karera na isang Special Handicap race dahil walang nakasabay sa malakas na ayre ng tatlong taong colt.
Sinikap ng Love To Death ni Kevin Abobo na sabayan ang Dixie Gold pero naubos din ito sa rekta tungo sa halos tatlong dipang agwat sa meta ng nanalong kabayo.
Napagod nang husto ang kabayo ni Kevin Abobo dahil naungusan pa ito sa meta ng Señor Vito ni Rodeo Fernandez.
Ito ang unang takbo ng Dixie Gold na may lahing Dixie Chatter at Gal’s Gold at pag-aari ni Joseph Dyhengco matapos lumahok sa first leg ng 2014 Triple Crown noong Mayo 18 at pumangalawa sa Kid Molave.
Naghatid pa ang win ng P8.50 habang ang pagsegundo ng Señor Vito ay may P122.00 dibidendo sa 3-8 forecast. Pinakaliyamadong kabayo na nagwagi sa walong karerang pinaglabanan ay ang May Bukas Pa sa class divison 1A na inilagay sa 1,300-metro distansya.
Si John Alvin Guce ang dumiskarte sa pagkakataong ito sa nasabing kabayo at naibangon ng class A jockey ang masamang ikasiyam na puwestong pagtatapos sa huling takbo sa pagdadala ni JD Juco matapos manaig sa South Bound.
Ang panalo ng pitong taong colt ay may P6.50 dibidendo sa win habang ang 4-5 ay may P29.50 ipinamahagi sa forecast.
Lumabas na longshot ay ang Secret Flyer na nakasilat sa 3YO & 4YO Maiden A-B race.
Pumangalawa sa bugaw sa alisan, napagtiyagaan ni jockey LF De Jesus na itulak-tulak lamang ang tatlong taong colt a pag-aari ni Paolo Mendoza hanggang sa kusang lumabas ang tulin nito.
Nagpasok ang win ng P26.50 habang ang 6-5 forecast ay may P513.50 dibidendo. (AT)
- Latest