Happy ang Hapee sa No. 1
MANILA, Philippines – Nagtrabaho agad sa kaagahan ng laro ang Hapee Fresh Fighters tungo sa 79-66 panalo sa MJM Builders sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Gumawa si Ola Adeogun ng 18 puntos at walong rebounds para pamunuan ang tropa ni coach Ronnie Magsanoc sa kanilang ikatlong sunod na panalo tungo sa solo-liderato sa 12 koponang liga.
Si Troy Rosario ay may 14 puntos habang sina Baser Amer at Bobby Ray Parks Jr. ay nag-ambag pa ng 11 at 10 puntos. Ang 6’3” na si Parks ay humablot din ng walong rebounds bukod sa anim na assists para sa magandang all-around game.
Binuksan ng Hapee ang laro sa 21-10 run bago umabot sa 20 puntos ang kanilang bentahe, 50-30 sa ikatlong yugto sa split ng 6’8” na si Adeogun.
Ngunit nag-relax ang Hapee para matapyasan ng MJM Builders ang kalamangan hanggang sa anim, 67-61, sa huling 5:45 ng labanan.
Isang 30-second time out ang ginawa ni Magsanoc at matapos nito ay nagsanib-puwersa uli sina Rosario, Adeogun at Amer sa pinakawalang 7-0 atake at ilayo ang koponan sa 15, 76-61.
“Ang maganda sa nangyari ay nagtutulungan sila kapag hindi maganda ang nangyayari sa team,” wika ni Magsanoc na patuloy na sumasandal sa talento ng mga manlalaro dahil hindi makapag-ensayo ng kumpleto dahil abala ang mga collegiate players sa pagsasanay sa kanilang mga school teams.
Sina Mac Belo at Mike Tolomia ay mayroong 16 at 10 puntos para sa MJM Builders na nakitang napatalsik si coach Nash Racela sa first half dahil sa dalawang technicals at si guard Gryann Mendoza sa ikatlong yugto nang banggain ang referee na siyang dahilan ng ikatlong sunod na pagkatalo ng MJM.
Bumangon naman ang Wangs Basketball mula sa pagkatalo sa huling asignatura sa 80-72 panalo sa Racal Motors na bumaba rin sa 0-3 baraha.
Si Michael Miranda ay mayroong 15 puntos at 11 rebounds habang sina Rocky Acidre, Macky Acosta at Paolo Pontejos ay nagsanib sa 38 puntos at ang Wangs ay umakyat sa ikaanim na puwesto sa 2-1 baraha. (AT)
- Latest


















