Naghihintay ang PSC sa sagot ng Clark
MANILA, Philippines - Hanggang sa katapusan ng taon lamang maghihintay ang PSC patungkol sa hinihinging lupa sa Clark para mapagtayuan ng bagong training center.
Sa panayam kay PSC chairman Ricardo Garcia, sinabi niyang nakausap na niya si POC president Jose Cojuangco Jr. at naipaalam ang bagay na ito dahil maraming oras ang masasayang kung hindi magkakaroon ng pirmahan para sa hinihinging 50 ektar-yang lupa.
“I can’t keep on waiting. I have to move forward,” wika ni Garcia.
Ang lupa ay pag-aari ng Clark International Airport Corporation na nasa pamamahala ng pa-ngulo at CEO na si Emigdio ‘Dino’ Tanjuatco.
“Sumulat na ako sa Clark ng aming intent but nothing is signed yet. Hopefully, may mangyari. If there is nothing positive by the end of the year, then, we just have to make the most out of Rizal Memorial Sports Complex. Aayusin na lang namin ang mga facilities dito,” pahayag pa ni chairman.
Itinutulak ng PSC at POC ang makapagpatayo ng bagong training center para mas maging maayos ang pagsasanay ng mga atleta.
Luma na ang pasilidad sa RMSC at puno na ng polusyon na nakakasira sa paghahanda ng mga panlabang atleta sa malala-king kompetisyon.
Nabisita na ni Garcia ang lugar sa Clark at pasado ito sa kanyang panlasa para maging training center.
“Ideal talaga ang lugar dahil talagang makakapagsanay nang husto ang mga atleta. Kung magkaroon na ng pirmahan ay makakagalaw na kami. Kung di man mabenta ang RMSC, puwede kaming lumapit sa private sectors para humi-ngi ng tulong sa pagpapatayo ng facilities. Pero ang lahat ng ito ay masisimulan lang kung mayroong lupa,” sabi pa ni Garcia. (AT)
- Latest