Taekwondo Asian Olympic Qualifying posibleng i-host ng Pinas sa 2015
MANILA, Philippines - Malaki ang tiwala ng Philippine Taekwondo Association (PTA) na sa bansa gagawin ang Asian Olympic Qualifying Tournament sa 2015.
Sa panayam kay PTA secretary-general Monsour Del Rosario, sinabi niyang 80 percent nang sa bansa ibibigay ang hosting base sa kanyang nakita noong nililigawan ni PTV VP Sung Chon Hong ang ibang opisyales sa rehiyon habang isinasagawa ang Asian Games sa Incheon, Korea.
“Alam naman natin na iba ang negosasyon sa hosting ng isang tournament lalo na kung ang mahalagang Asian Olympic Qualifying ang pag-uusapan. Pero sa nakita kong reaksyon ng mga nakausap na, nasa 80% nang sa atin ito gagawin,” wika ni Del Rosario.
Mahalaga para sa bansa na mai-host ang kompetis-yon para tumibay ang hangaring makapaglahok uli ng kinatawan sa 2016 Rio de Janiero Olympics.
Walang lumusot sa mga pambatong jins sa 2012 London Olympics upang maputol ang tatlong sunod na edisyon mula 2000 Sydney Games na may lahok ang Pilipinas taekwondo competition.
Walong weight divisions lamang ang pinag-lalabanan sa taekwondo sa Olympics at ito ay sa -58kg, -68kg, -80kg at +80kg sa kalalakihan at -49kg, -57kg, -67kg at +67kg sa kababaihan.
Kung makukuha, ang Asian Olympic Qualifying ang pinakamalaking international hosting ng bansa matapos isagawa ang Asian Taekwondo Championships noong 1984 at 1994.
- Latest