Jebel Ali, Bungangera nagpasikat
MANILA, Philippines – Nagpasikat ang Jebel Ali at Bu-ngangera nang pagharian ng dalawang kabayo ang magkahiwalay na Juvenile Colts at Fillies Stakes Race na ginawa sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Noong Linggo isinagawa ang tagisan para sa mga dalawang taong gulang na colts at mahusay ang pagtutulungan ng coupled entries na Jebel Ali at Cat Express para mapahirapan ang bumanderang Icon.
Sa pagbubukas ng aparato ay nagbakbakan sa unahan ang Cat Express ni CV Garganta at Alakdan ni Dominador Borbe Jr., habang sumunod ang Icon ni Kevin Abobo at ang Jebel Ali na dala ni John Alvin Guce ay nasa ikapitong puwesto sa 10 kabayong naglaban.
Umalagwa ang Icon sa kalagitnaan ng 1,400-meter distansya habang ang Jebel Ali ay nag-init na para malagay sa pang-apat na puwesto.
Sa far turn ay nasa balya na ang Jebel Ali pero inilabas pa ni Guce dahil mas maluwag ang daanan dito.
Umarangkada ng husto ang Jebel Ali para manalo ng halos tatlong dipang agwat sa Icon.
Mas matindi ang ginawa ng Bungangera na hawak ni Jeff Bacaycay dahil pinakadehado ito sa 13 naglaban na ginawa noong Sabado. Bugaw din ito sa alisan pero kinailangan lamang pala ng kabayo ang mag-init para mailabas ang bangis sa pagtakbo.
Ito ang ikatlong leg ng 2014 Juvenile Stakes race na suportado ng Philippine Racing Commission. (AT)
- Latest