Drummond nagbida sa panalo ng Pistons
ATLANTA – Kumolekta si Andre Drummond ng 19 points at 14 rebounds para ihatid ang Detroit Pistons sa 104-100 panalo laban sa Atlanta Hawks sa isang exhibition game.
Nagdagdag si Brandon Jennings ng 16 points at 11 assists para sa Detroit (4-2), habang may 15 si Kyle Singler at tig-14 sina Josh Smith at D.J. Augustin.
Pinamunuan naman ni Jeff Teague ang Hawks (2-3) sa kanyang 16 points at 10 assists.
Nag-ambag si Kyle Korver ng 15 points, tampok ang 3-of-7 shooting sa 3-point range, kasunod ang 14 ni DeMarre Carroll.
Nagmula ang Pistons sa kabiguan sa Orlando Magic noong Biyernes.
Sa Indianapolis, bumangon ang Pacers mula sa 14 -point deficit sa fourth quarter para resbakan ang Dallas Mavericks, 98-93.
Sa huling 31 segundo ay naagaw ng Indiana ang kalamangan para talunin ang Dallas.
Binura ng Pacers ang naturang double-digit deficit sa pamamagitan ng 18-3 ratsada para balikan ang Mavericks.
Umiskor si David Sloan ng 12 sa kanyang 15 points sa fourth period at ibinigay sa Indiana ang 95-93 bentahe.
Sa San Antonio, kumamada si rookie Shabazz Napier ng 25 points, kasama dito ang apat na free throws sa huling minuto ng laro, para igiya ang Miami Heat sa 111-108 overtime victory laban sa Spurs.
Ito ang unang pagkikita ng Miami at San Antonio matapos talunin ng Spurs ang Heat sa nakaraang NBA Finals.
Naglista si Tyler Johnson ng 17 points, habang may 16 si Andre Dawkins at tig-11 sina Danny Granger at Mario Chalmers para sa Miami (2-4).
Nagposte si Marco Belinelli ng 18 points kasunod ang 17 ni Kyle at tig-11 nina JaMychal Green at Tim Duncan.
- Latest