Loreto, Dapudong, Cuello pinakitaan ang mga nakalabang dayuhan
MANILA, Philippines - Tulad ng inaasahan, ipinanalo nina Rey Loreto, Edrin Dapudong at Denver Cuello ang kani-kanilang laban noong Sabado ng gabi sa Almendras Gym sa Davao City.
Ngunit siniguro ng tatlong Filipino boxers na ang “Clash of Little Titans” na itinanghal ng Sonshine Sports Management ay puno ng aksiyon.
Sa harap ng kanyang mga kababayan, pinabagsak ni Loreto si Indonesian Heri Amol sa seventh round upang mapanatili ang kanyang International Boxing Organization junior flyweight crown.
Marami ang nag-abang sa pagbabalik ni Loreto sa naturang gymnasium kung saan lumalaban siya noon ng four-round bouts. Mas malalaking laban na ang kanyang tinitingnan ngayon.
Ang 23-gulang na si Loreto ay lilipad sa South Africa sa December para sa rematch laban sa local bet na si Nkosinathi Joyi na kanyang inagawan ng korona noong February.
Ayon kay Sonshine Sports Management point man Manny Piñol, determinado si Loreto na patunayang hindi lang tsamba ang kanyang impresibong panalo sa South African.
Ayon kay Pastor Apollo Quiboloy, ang utak ng Sonshine Sports, nais nilang suportahan ang boxing, golf, volleyball, motocross at drag racing.
Nagpapatayo si Quiboloy ng malaking worship venue sa Davao City, ang 75,000-seat King Dome, na inaasahan niyang maging venue ng malalaking sports events gaya ng PBA games at posibleng ang isang laban ni Manny Pacquiao sa 2016.
Dumating si Davao City Mayor Rodrigo Duterte para sumuporta sa naturang paboksing.
Sa iba pang main bouts, naging impresibo naman ang fifth round win ng IBO super-flyweight champion na si Dapudong kay Wisanlek Sithsaithong ng Thailand.
Pinabagsak din ng nagbabalik sa aksiyon matapos magpahinga ng isang taon na si Cuello ang Thai fighter din na si Jaipetch Chaiyongym sa seventh round.
Nanalo rin ang mga 19-gulang na Bornea twins --Jake at Jade sa kani-kanilang laban.
- Latest