Azkals sasagupain ang Papua New Guinea ngayon
Laro Ngayon
(Rizal Memorial Stadium)
8 p.m. Philippines
vs Papua New Guinea
MANILA, Philippines - Sasagupain ng Philippine Azkals ang first-time opponent na Papua New Guinea Kapuls ngayong gabi sa Rizal Memorial Football Stadium.
Hangad ng Azkals na mapaganda ang kanilang kondisyon sa laban nila ng Papua New Guinea para sa paghahanda sa AFF Suzuki Cup na nakatakda sa susunod na buwan.
Ang friendly match ay nakatakda sa alas-8 ng gabi at hangad ng Azkals na makabangon mula sa kabiguan sa Myanmar sa Finals ng nakaraang Philippine Peace Cup.
“It hasn’t been the ideal preparation for us, but we have to make the most out of our time together,” pahayag ni Azkals’ head coach Thomas Dooley. “We need games because training are not enough.”
Lalabanan sana ng Azkals ang Malaysia sa isang friendly game ngunit hindi ito natuloy.
Napapayag ni Dooley si Papua New Guinea mentor Wynton Rufer na isa niyang kapwa Bundesliga player para labanan ang mga Pinoy booters.
Nabasura rin ang naunang nakaiskedyul na friendly game ng mga Papuans sa Timor Leste.
Hahataw ang Suzuki Cup sa Nobyembre 22-28 sa Hanoi, Vietnam at kailangan ng Azkals na makapag-ensayo bago sumabak sa naturang torneo.
“It’s an important time for us because we are preparing for the Suzuki Cup and we want to try to progress,” wika ni Azkals captain Rob Gier. “It’s always nice to get to play at home.”
Si Gier ang tanging overseas-based player na sasagupa sa mga Kapuls, naghahanda para sa Pacific Games.
Makakasama niya sa koponan sina veteran Chieffy Caligdong, Jeffrey Christiaens, Nick O’ Donnel at dating UAAP standout Paolo Bugas.
“We have to take this match seriously and must be willing to work hard,” sabi ni Dooley.
Mas mababa ang Papua New Guinea ng 70 puwesto sa Azkals, ngunit maganda ang kanilang ipinakita noong nakaraang buwan sa una nilang international match mula sa 1-2 kabiguan sa Suzuki Cup titlist na Singapore.
- Latest