2 matatangkad na sparmates ni Pacquiao darating na
MANILA, Philippines – Dalawang matatangkad na boksingero ang darating sa Pinas ngayong linggo para tumulong sa paghahanda ni boxing icon Manny Pacquiao sa kanyang nalalapit na pakikipagsagupa kay Chris Algieri.
Ayon sa isang artikulo sa Philboxing.com, darating si chief trainer Freddie Roach sa General Santos City kasama ang mga boksingerong sina Stan Martyniouk at Viktor Postol bilang mga sparring mate ni Pacquiao sa pagsisimula ng kanyang intensibong training.
Si Postol, undefeated Ukrainian light welterweight na may 26-0 win-loss record, kasama ang 11 knockouts, ay 5-foot-11. Si Martyniouk naman ay 5-foot-10 lightweight mula sa US.
“Matatangkad sila, lalo na si Viktor, 5’11” ata yung si Viktor Postol. At saka pareho silang boxer, lalo si Viktor Postol, magaling mag-jab ‘yun,” ayon sa quote ng training assistant ni Roach na si Marvin Somodio.
Inaasahang maibibigay ng dalawang boksingero kay Pacquiao ang training na kailangan sa kanyang pagharap sa matangkad at mahaba ang reach na boxer na gaya ni Algieri, may taas na 5-foot-10.
Nagawang talunin ni Pacquiao ang 5-foot-11 na si Antonio Margarito apat na taon na ang nakakaraan ngunit ang Mexican boxer ay may limitadong boxing skills at mobility.
Si Algieri ay may sharp jab at solidong boxing skills.
Nagsimula na ng training si Pacquiao noong nakaraang linggo sa ilalim ni conditioning coach Justin Fortune.
Makakasagupa niya si Algieri sa Nov. 23 sa Cotai Arena ng The Venetian Macao sa Macau, China.
- Latest