FEU sa Game 1
MANILA, Philippines - Itinatak ng FEU Ta-maraws ang kanilang marka sa ikatlong yugto para lumapit sa isang panalo tungo sa pagsungkit sa 77th UAAP men’s basketball matapos ang 75-70 tagumpay laban sa National University sa Game One ng kanilang finals series kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Roger Pogoy ay naghatid ng 14 puntos para palalimin ang opensang pinagkukunan ng Tamaraws tungo sa mahalagang 1-0 kalamangan sa best-of-three cham-pionship series.
Sampung puntos ang ginawa ni Pogoy sa ikatlong yugto kung saan tuluyang umarangkada ang laro ng tropa ni coach Nash Racela nang hawakan na ang 60-50 kalamangan.
Nagawa ng Bulldogs na lumamang ng hanggang 12 puntos sa kaagahan ng ikalawang yugto.
Ang 3-pointer ni Rodolfo Alejandro ay nag-lapit sa Bulldogs sa 68-71 sa huling 61 segundo ng labanan.
Ngunit mahusay na ginamit ni Racela ang bilis na taglay ni Mac Belo laban kay Alfred Aroga para bigyan ng distansya uli ang kanilang koponan.
Dalawang split nina Aroga at Gelo Alolino ang nagpadikit uli sa tropa ni coach Eric Altamirano sa tatlo, 73-70 at sa sumunod na tagpo ay hindi nakapuntos ang FEU para bumalik ang bola sa NU.
Pero dahil papaubos na ang oras, minadali ni Glenn Khobuntin ang kanyang pinakawalang panablang tres na hindi tumama sa ring.
Natapos ang laro sa dalawang free throws ni Archie Iñigo.
“We just went back to our strengths. We reminded them about discipline and playing defense,” wika ni Racela na sinibak ang dating kampeong La Salle Green Archers sa Final Four.
Idinagdag pa ni Racela na wala pang saysay ang panalong ito at kailangang itaas pa nila ang intensidad sa Game Two dahil nakikita niyang magsisikap ang Bulldogs para maitabla ang serye.
Si Mike Tolomia ay may 15 puntos, si Iñigo ay mayroong 12 puntos, 7 rebounds at 3 assists at si Belo ay naghatid pa ng 8 puntos at 7 rebounds.
Sina Aroga, Alolino at Jeth Rosario ay may 17, 14 at 12 puntos para sa Bulldogs na nakapasok sa Finals sa unang pagkakaton mula noong 1970 nang kalusin ang number one team Ateneo Blue Eagles.
Bago ito ay nagselebra ang mga panatiko ng NU dahil nakumpleto ng Lady Bulldogs ang 16-0 sweep sa women’s basketball sa pamamagitan ng 59-48 panalo laban sa FEU Lady Tamaraws. (AT)
- Latest