Gilas Pilipinas pang 7th-place
INCHEON, South Korea – Naisalba ng Gilas Pilipinas ang ikapitong puwestong pagtatapos sa men’s basketball ng Asian Games matapos ang 84-68 panalo sa Mongolia kahapon sa Hwaseong Sports Complex gymnasium dito.
Nagtrabaho ang koponan sa ikalawang yugto para sa 20-9 run upang ang 18-21 paghahabol ay maging 38-30 kalama-ngan sa halftime.
Nagposte si Ranidel de Ocampo ng 25 puntos, 11 rebounds, 7 assists, 2 steals at isang block sa 32 minutong paglalaro mula sa bench habang sina LA Tenorio, Gabe Norwood at June Mar Fajardo ay tumapos taglay ang tig-11 puntos.
Humablot pa si Fajar-do ng 12 rebounds para tulungan ang Pilipinas sa 47-36 kalamangan sa rebounding kahit pinaglaro lamang ng pitong minuto si Marcus Douthit.
Ito ang ikatlong panalo sa pitong laro ng Pilipinas sa kompetisyon para mailista ang pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng paglalaro ng basketball sa Asian Games.
Ang dating pinakamasamang pagtatapos ng Pilipinas ay sa ikaanim na puwesto na nangyari noong 1996 sa Bangkok, Thailand at 2010 sa Guangzhou, China.
Ang sentro ng Mongolia na si Bilguun Battuvshyin ay may 18 puntos para pangunahan ang kalaban. (BRM)
- Latest