2014 World Cup of Pool Orcollo, Corteza nahirapan sa Chile
MANILA, Philippines - Kung ang resulta ng unang laro ang pagbabasehan, hindi magiging madali ang landas na tatahakin nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza kung ang matagumpay na pagdepensa sa World Cup of Pool title ang pag-uusapan.
Nagbukas noong Martes ang kompetisyong sinalihan ng 31 bansa na bumuo sa 32 koponan at ginagawa sa Mountbatten Centre sa Portsmouth at kinailangang magpaka-tatag ng mga pambatong Pinoy para maitakas ang 7-5 panalo laban sa Chile na binubuo nina Alejandro Carvajal at Enrique Rojas.
Race-to-seven ang format at lumayo na ang mga Pinoy sa 5-2 pero naghabol ang mga Chilean cue artists para manakot sa 5-6.
Break ni Rojas sa 12th game pero walang pumasok sa kanyang sargo at agad itong kinapitalisa nina Orcollo at Corteza para sa run-out upang maka-puwesto sa second round.
Aminado ang dala-wang pambato ng bansa na nahirapan sila pero hindi nawala ang kumpiyansa dahil sa mga Filipino community na sinuportahan ang kanilang laban.
“It feels like playing at home,” wika ni Orcollo patungkol sa mainit na suporta ng manonood. “This event is very special for us and we really wanted to come through the first round.”
Balak nina Orcollo at Corteza ang maging kauna-unahang tambalan na magtagumpay na maidepensa ang hawak na titulo sa $250,000.00 torneo na sini-mulan noong 2006.
Sina Stephan Cohen at Alex Montpelier ang sunod na kalaban ng Pilipinas sa second round na gagawin ngayon.
Umabante sina Cohen at Montpelier nang kalusin sina Fabio Petroni at Daniele Corrieri ng Italy, 7-4.
Ang iba pang nanalo sa first round ay Finland sa Korea, 7-0, Russia sa Japan, 7-6, Greece sa Indonesia, 7-6 at Austria sa Portugal, 7-2. (AT)
- Latest