Rowers, windsurfers, shooter unang lalarga pa-Incheon
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang manlalaro ng tatlong sports na ma-gamayan ang klima at kondisyon sa pag-lalaruang venue sa pag-alis ng maaga sa hanay ng Pambansang delegasyon na lalaro sa 2014 Asian Games sa Incheon, Korea.
Sa Lunes (Setyembre 15) tutulak patungong Incheon ang delegasyon ng rowing, windsurfing at shooting sakay ng Korean Airlines.
Nagbigay ang nasabing airline ng 45 libreng tiket para makatulong sa pagbawas sa gastusin ng pagpapadala ng mga atleta sa Incheon.
Kasama sa aalis si 2012 World champion Geylord Coveta na isa sa mga manlalaro ng bansa na makakapaghatid ng medalya sa kompetisyong ginaganap tuwing ikaapat na taon.
Ang mga kakamping sina Ridgely Balladares, John Harold Madrigal at Whok Dimapilis ay lilipad na rin at makakasabay nila sina rowers Roque Abala Jr., Alvin Amposta, Nestor Cordova, Edgar Ilas at Olympian Benjamin Tolentino Jr. at sina Hagen Topacio at Eric Ang ng shooting.
Sasalubong sa kanila si PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia na nasa Incheon na matapos dumalo sa Delegation Representatives Meeting noong Huwebes.
May 150 atleta ang ipanlalaban ng bansa sa Asiad na magbubukas na sa Setyembre 19 at ang lawn tennis, fen-cing at wushu delegation ay aalis sa Setyembre17, ang athletics ay lilipad sa Setyembre 24 habang ang soft tennis ay tutulak sa Setyembre 26.
Ang ibang kasapi ng pambansang koponan ay sasakay sa Philippine Air Lines pero isinasapinal pa ang iskedul ng kanilang paglipad. (AT)
- Latest