USA, Dominicans, Australia nalo
BILBAO -- Tatlong teams mula sa FIBA Americas at Australia ang nagsipanalo sa Day 4 ng FIBA World Cup sa Spain.
Sumulong ang United States sa 3-0 sa Group C matapos ang 98-71 panalo kontra sa New Zealand (0-3) sa Bilbao.
Naipanalo rin ng Dominican Republic ang importanteng laro kontra sa Finland sa huling laro sa Bilbao, 74-68 kung saan nagdomina si Eloy Vargas na tumapos ng 18 points, 13 rebounds at 4 blocks tungo sa kanilang pagsulong sa 2-1 record.
Ang mga Finns ay nakakuha ng impresibong laro mula kay Petteri Koponen na may 21 points, 9 assists at 2 steals ngunit bumagsak pa rin sila sa 1-2 record.
Kinailangan namang bumangon ng Ukraine (2-1) upang igupo ang Turkey (1-2), 64-58 sa unang laro nitong Martes sa Group C.
Sa Group D, pinalakas naman ng 2013 FIBA Americas Championship winners Mexico (1-2) ang tsansang pumasok sa round-of-16 matapos ang 79-55 pananalasa sa Angola (1-2) .
Agad namang lumamang ang Australia (2-1) sa 47-28 sa half-time kontra sa Lithuania (2-1) na kanilang prinotektahan tungo sa 82-75 panalo.
Kinailangan namang magpawis ng Slovenia sa unang dalawang quarters laban sa Korea bago kumawala sa second half tungo sa 89-72 panalo.
Kasalukuyang kalaban ng Gilas Pilipinas ang Puerto Rico habang sinusulat ang balitang ito.
- Latest