Kid Molave patuloy sa pagkamal ng premyo
MANILA, Philippines - Nadagdagan ng P1.8 milyon ang premyong napanalunan ng Kid Molave noong Hulyo para lumawig pa ang agwat nito sa mga karibal kung palakihan ng kinita ang pag-uusapan.
Ang perang naidagdag sa panalo ng Kid Molave ay nakuha matapos manalo uli sa ikatlo at huling yugto ng Triple Crown.
Winalis ang premyadong karera para sa mga edad tatlong taon gulang na kabayo, ang Kid Molave na may apat na sunod na panalo sa taon, ay kumabig na ng P5,534,089.04 premyo.
Halos dalawa’t-kalahating milyon piso ang layo ng kabayo sa Pugad Lawin na may pumapangalawang P3,080,799.51 mula sa tatlong panalo at tig-isang tersero at kuwarto puwestong pagtatapos.
Nanatiling nasa ikatlong puwesto ang Karapatan na nagpahinga noong nakaraang buwan para manatiling bitbit ang P1,722,232.73 premyo sa 12 panalo at isang segundo puwesto.
Ang Low Profile ang nasa ikaapat na puwesto sa P1,678,831.30 mula sa tatlong panalo, dalawang segundo at isang tersero puwesto habang ang Super Charge ang nasa ikalimang puwesto sa P1,622,228.74 sa 9-7-1-0 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos.
Nasa pang-anim ang Penrith bitbit ang P1,620,138.94 (9-1-2-1) habang ang premyadong kabayo na Hagdang Bato ay nasa ikapitong puwesto sa P1,556,798.65 matapos ang dalawang panalo at isang segundo puwestong pagtatapos.
Ang Airway (9-4-3-0), King Bull (2-4-1-0) at Love Na Love (5-1-0-2) ang kukumpleto sa unang sampung puwesto taglay ang P1,468,094.92, P1,451,684.65 at P1,444,284.06 gantimpala.
Umabot na sa 42 kabayo ang nanalo ng mahigit isang milyong premyo at kasama sa mga ito ay ang mga Triple Crown contenders Kanlaon (P1,249,682.09), Dixie Gold (P1,216,984.11) at Malaya (P1,038,319.34).
Hindi naman pinalad na nakasama pa sa hanay ang mahusay na imported horse Crucis na kumabig ng P986,455.37 gantimpala mula sa anim na sunod na panalo.
- Latest