Sibayan mangunguna sa La Salle kontra sa NU
MANILA, Philippines - Magtatapat ang mga wala pang talong De La Salle University at ang National University sa UAAP Season 77 men’s badminton tournament ngayon sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Kapwa may 5-0 record, ang mananalo sa pagitan ng Green Archers at Bulldogs sa Court 3 sa ganap na alas-9 ng umaga ang makakalapit sa pagdakma sa outright Finals berth bitbit ang ‘thrice-to-beat’ incentive.
Si Gerald Sibayan ang babandera sa La Salle kung saan makakatapat ng dating Rookie of the Year winner si Season 75 MVP Joper Escueta ng NU.
Sa iba pang men’s ties, lalabanan ng nagdedepensang Ateneo ang UE sa Court 2; habang makakatagpo ng UP ang Adamson sa Court 4 at makakasukatan ng University of Santo Tomas ang Far Eastern University sa Court 5.
Hangad rin ng University of the Philippines na makasikwat ng automatic championship berth sa women’s division sa kanilang pagharap sa University of the East sa Court 5 sa ala-1 ng hapon.
Nakasiguro na ang Lady Maroons, ang third placer noong nakaraang season, ng tiket sa susunod na round mula sa kanilang 5-0 baraha sa pagsagupa sa Lady Warriors.
Sa iba pang aksyon sa women’s class, haharapin ng titleholder na Lady Eagles ang Lady Bulldogs sa Court 2, samantalang makakalaban ng Lady Archers ang Tigresses sa Court 3 at magkikita ang Lady Tamaraws at Lady Falcons sa Court 4.
- Latest