San Beda, La Salle-Greenhills namuno sa 90th NCAA swimming competition
MANILA, Philippines - Sumisid ng mga gintong medalya ang San Beda College at La Salle-Greenhills sa Day One ng 90th NCAA swimming competition kahapon sa Rizal Memorial Pool.
Kaagad na hinirang na paborito sa pool events, bumandera ang mga Sea Lions at Lionesses sa likod ng mga panalo nina Frances May Cabrera, Jose Mari Sebastian Arcilla, Christian Dimaculangan, Andrei Lorenzo Manzo at ang kanilang mga men’s at women’s 200-meter freestyle relay teams na pawang mga bagong NCAA record.
Bumasag din ng rekord ang mga Junior Blazers mula sa pamumuno nina Mark Romiquit, Andrae Pogiongko at ang kanilang 200-m freestyle relay squad sa high school division.
Nagtala si Cabrera ng bilis na 04: 49.78 sa 400-m freestyle event na bumasag sa 4:50.59 na kanyang itinala noong nakaraang taon.
Naorasan naman si Arcilla ng bagong 1:02.74 sa 100-m backstroke.
Inangkin ni Dimaculangan ang ginto at ang bagong record sa 100m backstroke sa seniors section sa bilis na 1:01.30, habang bumandera si Manzo sa 200m individual medley sa bago niyang oras na 2:13.92.
Pinamunuan ni Cabrera ang 200-m free relay women’s team kasama sina Carla Michaela Chua, Patricia Ella Garcia at Lorelie Lora at sina Wilfredo Sunglao, Jr., Joseph Lance Sanone, Lorenz Joshua Francisco at Joshua Junsay ang nanalo sa men’s division sa kanilang mga bagong oras na 1:57.71 at 1:39.01, ayon sa pagkakasunod.
Inangkin naman ni Romiquit ang ginto sa 100-m butterfly at nanaig si Pogiongko sa 200-m IM sa kanilang mga bagong rekord na 58.61 at 2:15.18, ayon sa pagkakasunod.
Puntirya ng San Beda ang kanilang ika-13 sunod na men’s championship at pang-17 sa kabuuan.
Layunin naman ng San Beda lady tankers na muling pagreynahan ang kanilang event sa ikaapat na sunod na season.
Samantala, hangad ng mga swimmers ng La Salle-Greenhills ang kanilang pang-11 dikit na high school title at ika-17 sa kabuuan.
- Latest