Ateneo gustong kumalas
MANILA, Philippines - Ngayong tatlong koponan na ang magkakasalo sa unang puwesto, mas magiging mahalaga ang makukuhang panalo para sa tagisan sa unang dalawang puwesto sa 77th UAAP men’s basketball.
Ang Ateneo Eagles ang magtatangka na makakalas sa pakikisalo sa puwesto sa nagdedepensang kampeong La Salle Green Archers at FEU Tamaraws sa pagharap sa host UE Warriors.
Galing ang koponan ni coach Bo Perasol sa 86-88 pagkatalo sa Archers noong Linggo para ma-diskaril ang pinuntiryang pangunguna sa liga.
May 6-2 karta ang Ateneo, La Salle at FEU habang ang National University Bulldogs ay may 5-3 karta at ang UE at UST Tigers ay hindi rin gaanong nakakalayo sa 4-4 baraha.
Ang Bulldogs ang unang mapapalaban sa ganap na ika-2 ng hapon at napapaboran na masungkit ang ikaanim na panalo dahil ang katipan nila ay ang walang panalong Adamson Falcons.
Nanaig ang Eagles sa Warriors sa unang pagkikita, 93-91, sa overtime na kung saan bumangon sila mula sa 21-point deficit sa first half.
Si Kiefer Ravena ay gumawa ng career high na 38 puntos para pangunahan ang Eagles.
Ang mahinang pa-nimula ang nais na maalis ni Perasol sa kanyang koponan dahil ito rin ang nangyari sa kanilang hu-ling laro.
“We can’t go every game and win it in the last minute. But my team understands how tough it will be going up against UE. It had been our collective mindset, however, to find for ways to give ourselves a better chance of winning against them,” wika ni Perasol.
Mataas din ang morale ng Warriors dahil naipanalo nila ang huling dalawang laro kontra sa UST (72-62) at UP (68-48).
Si Roi Sumang na gumawa ng 30 puntos sa unang pakikipagkita sa Ateneo ay inaasahang babalik na mula sa slight sprained ankle upang may makatuwang ang guma-galing nang sentro na si Charles Mammie para ilista ang pinakamahabang winning streak sa liga.
Samantala, pinatawan ng one-game suspension ni league commissioner Andy Jao sina UST Lady Tigresses Betinna Penaflor at Kim Reyes matapos tawagan ng disqualifying fouls sa laro laban sa NU Lady Bulldogs noong Agosto 16.
Naniko si Penaflor at nanuntok si Reyes ng mga NU players sa ikatlong yugto sa mainitang labanan.
Kasabay nito ay pinagpapaliwanag din ni Jao si UST coach Chris Cantonjos at isang manlalaro na hindi pa pinapangalanan matapos banggain ng una si referee Karl Mercines habang ang player ay sinasabing nanampal ng dalawang NU players matapos ang laro. (AT)
- Latest