La Furia Roja nalo sa Philracom Imported/Local Challenge Stakes
MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng La Furia Roja ang pagi-ging paborito sa anim na kabayong naglaban sa 2014 Philracom 5th leg Imported/Local Challenge Stakes Race noong Linggo sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si Jonathan Hernandez ang siyang sakay sa kabayong binigyan ng pinakamabigat na handicap weight na 57 kilos pero hindi naramdaman ng La Furia Roja ang pesong ito nang hugandong nagwagi sa 1,600-metro karera.
May 1:36 tiyempo sa 23’, 22’, 22’ at 25’ kuwartos ang ginawa ng nanalong kabayo para maibulsa rin ang P300,000.00 gantimpala mula sa P500,000.00 kabuuang premyo na inilaan ng Philippine Racing Commission sa karerang inialay din kay Dr. Antonio C. Alcasid Sr.
Lumundag agad ang La Furia Roja sa pagbukas ng aparato habang nakasunod ang Bentley, Excelsia at Mara Miss.
Hindi na nabago ang puwesto ng nangunang kabayo at lalo pang tumulin pagpasok sa rekta para manalo sa Bentley, hawak ni Dominador Borbe Jr., ng halos anim na dipang layo.
Unang panalo ito ng anim na taong mare horse na nagmula sa New Zealand at umabot sa P476,590.00 ang benta nito sa Daily Double na P591,213.00.
Ang Bentley ay may P112,500.00 habang ang Excelsia ni Pat Dilema ang pumangatlo at naiuwi ang P62,500.00. Nakahabol pa ang Jade Avenue ni NK Calingasan para maibulsa ang P25,000.00 premyo.
Umabot pa sa P7.50 ang win ng La Furia Roja habang ang 1-2 liyamadong kombinasyon sa forecast ay naghatid ng P12.00 dibidendo. (AT)
- Latest