Rigodon sa puwestuhan
MANILA, Philippines - Tiyak na gagalaw uli ang puwestuhan sa 90th NCAA men’s basketball dahil tatlo sa mga koponang nasa itaas ang sasalang sa aksyon ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tangka ng Arellano Chiefs na dumikit pa sa nangungunang San Beda Red Lions sa pagsagupa sa mainit na St. Benilde Blazers na magsisimula matapos ang pagkikita ng host Jose Rizal University Heavy Bombers at Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na ika-2 ng hapon.
Ang Blazers at Heavy Bombers ay magkasalo sa ikaapat na puwesto kasama ang pahingang Perpetual Help Altas sa 4-3 karta at kung sila ang magwawagi ay lalapit sila sa pumapangalawang Chiefs.
Nakabangon na ang tropa ni coach Gabby Velasco mula sa 0-3 panimula nang naipanalo ang sumunod na apat na laro.
Ang huling tagumpay ay naiposte sa Lyceum Pirates, 86-77, at balanseng pag-atake ang naipakita ng Blazers matapos magkaroon ng limang manla-laro na nasa double-digits.
“We are playing inspired basketball. We hope to continue playing this way and see how far our streak can go,” wika ni Velasco.
Sina Mark Romero (15.71), Paolo Taha (13.43) at Jonathan Grey (11.57) ang mga aasahan uli pero makakatulong kung gagana uli ang bench gaya ng nangyari sa huling laro.
Handa naman ang Chiefs na tapatan ang opensa ng Blazers dahil ang koponan ni coach Jerry Codiñera ang na-ngunguna sa liga kung pagpuntos ang pag-uusapan, sa 84.5 points.
Pero para mapadali ang misyon, dapat na posasan ng Chiefs ang mga kamador ng katunggaling koponan.
“We need to stop their three top players for us to have better chance of winning,” pahayag ni Codiñera na hu-ling tinalo ang Letran, 63-62.
Sasandalan ng Heavy Bombers ang 99-98 triple-overtime panalo para magpatuloy ang pag-angat sa standings.
May dalawang panalo matapos ang pitong laro ang Generals pero hindi puwedeng maliitin ang puwersa ng tropa ni coach Gerry Esplana lalo pa’t galing sila sa 89-78 panalo sa Mapua Cardinals na tumapos sa limang sunod na kabiguan.
- Latest

















