2014 World Pool team championship Pinoy team pasok sa Last 16
MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng Pilipinas ang pagiging isa sa mahuhusay na bansa kung paglalaro ng bilyar ang pag-uusapan matapos umabante ang mga Pinoy na inilaban sa knockout round sa 2014 World Pool Team Championship sa Tongzhou Luhe High School sa Beijing, China.
Lumabas uli ang husay nina Dennis Orcollo, Lee Vann Corteza, Carlo Biado at Rubilen Amit para kalusin sina Oscar Dominguez, Hunter Lombardo, Corey Deuel at Jennifer Barreta ng USA sa 4-2 iskor.
Nauna nang pina-bagsak ng mga Pinoy ang Bulgaria, 5-1, pasok na sila sa Last 16 ng torneo mula sa Group A.
Kasama ring nakatiyak ng puwesto sa susunod na round ay ang Poland na binokya ang Bulgaria, 6-0, matapos ang 4-2 pananaig sa USA sa unang araw ng kompetisyon.
Masusukat ang tibay ng Polish team na kinakatawan nina Karol Skowerski, Tomasz Kaplan, Mateusz Sniegocki at Katazyna Weslowska dahil sila ang susunod na kalaro ng Pilipinas sa pagtatapos ng group eliminations kagabi.
May 24 bansa ang bumuo sa 25 koponan (dalawa ang lahok ng host China), na hinati sa anim na grupo at ang mangungunang dalawang koponan bawat pangkat ay aabante sa knockout round.
Ang huling apat na koponan na kukumpleto sa 16 teams na magpapa-tuloy ang laban ay ma-dedetermina matapos ang rankings ng naiiwang 13 koponan.
Ang nagdedepensang kampeon na Chinese Taipei na kinakatawan nina Ko Pin Yi, Chang Jun Lin, Hsu Kai Lun, Fu Che Wei at Chou Cheih Yu ay nangunguna sa Group E sa 2-0 karta matapos pabagsakin ang Russia, 5-1. (AT)
- Latest