Nalo sa PCSO Silver Cup May ibubuga pa ang Hagdang Bato
MANILA, Philippines - Naipakita ng Hagdang Bato ang takbo na hinangaan sa kabayo tungo sa panalo sa nilahukang karera noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Jonathan Hernandez pa rin ang hinete ng kabayo na ang huling takbo ay noong Hunyo 1 sa PCSO Silver Cup at nalagay lang sa ikalawang puwesto kasunod ng nanalong Pugad Lawin.
Nagbakasyon ang kabayong pag-aari ni Mandalu-yong City Mayor Benhur Abalos at ibinalik kamakalawa para sa class division 7 na pinaglabanan ng pitong kabayo sa 1,300-metro distansya.
Ngunit walang nakasabay sa tulin na naipamalas ng Hagdang Bato tungo sa banderang-tapos na panalo.
Naorasan ang limang taong colt na anak ng Quaker Ridge sa Fire Down Under sa matuling 1:19 sa kuwartos na 7’, 24, 24, 23’.
Ang mahigpitang pinaglabanan ay ang pangalawang puwesto at pinalad ang Immaculate na ginabayan ni JL Paano, na unang nailusot ang ilong para manaig sa hamon ng Silver Champ na sakay ni Mark Alvarez.
Balik-taya na P5.00 ang ibinigay sa ikalawang panalo matapos ang tatlong takbo sa taon ng Hagdang Bato habang ang 6-2 forecast ay naghatid ng P19.50 dibidendo.
Bago ito ay tumakbo rin noong Sabado ang mahusay na imported horse na Crucis sa special handicap race sa 1,500-metro distansya.
Nasa 13 ang kabayong naglaban pero lutang din ang galing ng kabayong pag-aari ni Marlon Cunanan sa pagdadala ni jockey Jeff Zarate dahil mula sa pagbukas ng aparato hanggang sa natapos ang karera ay hindi nabitiwan ng kabayo ang liderato.
Pinatawan pa ang Crucis ng pinakamabigat na handicap weight na 58 kilos pero walang epekto ito at napatunayan sa naitalang mabilis na tiyempo na 1:32 tungo sa ikaanim na dikit na panalo sa taong ito.
Halos anim na dipa bago sunod na tumawid ang Spinning Ridge at ang 1-3 liyamado sa forecast ay may P10.50 dibidendo matapos ang P6.00 na ibinigay sa win.
Ang magandang ipinakita ng dalawang premyadong kabayo na ito ay senyales na handa na uli na sumabak sa mas malalaking karera sa mga darating na buwan.
Lalo ring tumindi ang pagnanais ng nakararami na pagtapatin ang Hagdang Bato at Crucis sa isang karera upang malaman kung sino ang mas magaling.
- Latest