Lady Rising Suns sinibak ang Lady Maroons sa V-League
MANILA, Philippines - Tinapos ng nagdedepensang Cagayan Valley Lady Rising Suns ang kampanya ng UP Lady Maroons sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference matapos kunin ang 25-15, 25-19, 25-16 straight sets win kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ika-limang panalo sa anim na laro ng Lady Rising Suns para saluhan sa ikalawang puwesto ang pahingang Philippine Army Lady Troopers.
Nalasap ng Lady Maroons ang kanilang ikaanim na sunod na kabiguan para mamaalam na rin sa torneo kasama ang PNP Lady Patrollers.
Sa ikalawang laro, naisantabi naman ng National University Lady Bulldogs ang 26 puntos ni Alyssa Valdez bunga ng mas magandang pagtutulungan nina Jaja Santiago, Rizza Jane Mandapat at Myla Pablo patungo sa 25-18, 15-25, 26-24, 25-18 panalo sa Ateneo De Manila University.
Naitabla ng Lady Bulldogs ang baraha sa 3-3, habang may 2-3 karta ang Lady Eagles na pasok na rin sa quarterfinals matapos ang tagumpay ng Cagayan Valley.
Sina Pau Soriano, Aiza Maizo at Janine Marciano ay nagtala ng 13, 12 at 12 puntos upang katampukan ang dominasyon sa lahat ng aspeto ng laro ng Lady Rising Suns para tumibay pa ang paghahabol sa unang puwesto sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa.
Ang anim na mangungunang koponan ay sasabak sa isa pang single round robin bitbit ang kanilang karta sa elims at ang mangungunang apat ang magtutuos sa crossover semifinals.
Sina Maizo at Soriano ay nagsanib sa 20 kills para bigyan ang Cagayan ng 47-28 bentahe, habang si Marciano ay may tatlong aces tungo sa 12-2 kalamangan sa departamento.
- Latest