San Beda gustong dumistansya
MANILA, Philippines - Iangat sa dalawang laro ang pagitan ng nagdedepensang kampeong San Beda sa pumapangalawang Perpetual Help ang balak ng Red Lions sa pagpapatuloy ngayon ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Red Lions ang Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na ika-2 ng hapon at balak lapain ang ikalimang sunod na panalo.
Ang San Beda at Perpetual Help na lamang ang mga koponan na hindi pa natatalo sa 10-koponang liga pero isang laro lamang ang abante ngayon ng una sa huli sa kanilang 3-0 baraha.
Galing ang Lions sa 90-81 tagumpay sa Arellano Chiefs sa huling laro at inaasahang mapapalaban pa sa Generals na layuning putulin ang dalawang dikit na pagkatalo matapos magwagi sa unang asignatura.
Pagtutuunan ng pansin ang match-up ng mga mahuhusay na foreign players ng magkabilang koponan na sina Ola Adeogun ng San Beda at Noube Happi ng EAC.
Kakapit pa ang Letran sa ikawalong puwesto kung dadaigin nila ang St. Benilde sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
May 1-3 karta ang pumangalawa sa liga sa huling dalawang taon na Knights at papasok sila mula sa 60-69 pagyuko sa host Jose Rizal University Heavy Bombers.
Kailangan nilang manalo dahil kapag hindi ay maaalpasan sila sa standings ng Blazers na hindi pa nakakaisa matapos ang tatlong laro.
Hindi makakasama ng Letran ang coach na si Caloy Garcia matapos suspindihin bunga ng dalawang technical fouls na itinawag sa kanya sa huling laro.
Pero makakasama ng Knights ang co-team captain na si Mark Cruz matapos bawiin ng Management Committee sa pamumuno ni Paul Supan, ang one-game suspension na nauna ring ipinataw sa manlalaro.
Sa halip ay binigyan na lamang ng warning si Cruz na huwag nitong uulitin ang ginawang pagsugod kay referee Ian Borbe na suspindido rin ng tatlong laro matapos makipagpalitan ng maaanghang na salita sa Letran pointguard.
Sina Kevin Racal at Rey Nambatac at iba pa ang aasahan ng Letran.
- Latest