Katatagan nakataya sa labanan ng Army, PLDT
MANILA, Philippines - Sasagupain ng PLDT Home Telpad ang biga-ting Army na sinasabing preview ng championship sa Shakey’s V-League Season II Open Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan.
Winalis ng Turbo Boosters ang kanilang unang apat na laro sa pamamagitan ng straight sets na nag-angat sa kanila sa Lady Troopers sa labanan nila para sa top spot patungo sa quarters.
Naipanalo rin ng Army ang una nilang tatlong asignatura bago takasan ang Air Force sa four sets.
Ngunit paborito pa rin ang Season 8 champions laban sa league newcomers sa kanilang pang-alas-2 ng hapong sultada dahil sa pagbandera kina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, MJ Balse at Nene Bautista.
Sina skipper at setter Tina Salak, Ginie Sabas, Sarah Jane Gonzales at libero Christine Agno ang bubuo sa koponan ni coach Rico de Guzman laban sa Turbo Boosters.
Sa kabila nito ay kumpiyansa pa rin si PLDT coach Roger Gorayeb sa kanilang tsansa matapos talunin ang UP, Ateneo, Cagayan at PNP na humirang sa kanila bilang top contenders.
“We just wanted to win as many games as we could for the girls to gain more confidence,” sabi ni Gorayeb. “But Army is strong and we hope to play our best against them.”
Sina dating MVP at top hitter Suzanne Roces at ace setter Rubie de Leon ang babandera para sa Turbo Boosters bukod pa kina Laurence Ann Latigay, Charo Soriano, Gretchel Soltones, Angela Benting, Ryzabelle Devanadera, Des Patilano at liberos Liz Pantone at Alyssa Eroa.
Sa alas-4 ng hapon ay magsasagupa naman ang Air Force at Cagayan Valley kung saan target ng Raiders ang kanilang ikaapat na panalo at asam ng defending champion na Rising Suns ang ikatlo nilang tagumpay sa event na suportado ng Mikasa at Accel.
Ang dalawang laro ay maaaring mapanood nang live via streaming sa www.v-league.ph at ito ay isasaere ng delayed basis simula ala-1 ng hapon bukas sa GMA News TV Channel, ayon sa nag-oorganisang Sports Vision.
Matapos ang kabiguan sa Army ay bumangon ang Air Force sa pamamagitan ng paggupo sa Ateneo noong Hulyo 10, habang ipinoste ng Cagayan, naglista ng record 16-game sweep sa pagdomina sa conference noong nakaraang taon, ang panalo kontra sa National University noong Martes. (RCadayona)
- Latest