Knights, Heavy Bombers asam ang ikalawang sunod na panalo
MANILA, Philippines - Tatlong koponan na magkakasalo sa ika-lima hanggang ikawalong puwesto ang magbabalak na umangat sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Ang host Jose Rizal University Heavy Bombers at Letran Knights ang unang magtutuos ngayong alas-2 ng hapon bago sumabak ang Lyceum Pirates kontra sa wala pang panalong Mapua Cardinals sa alas-4 ng hapon.
Ang Heavy Bombers, Knights at Pirates ay kasalo ng pahingang Emilio Aguinaldo College Generals sa 1-2 baraha.
Parehong galing sa paglilista ng unang panalo ang Jose Rizal at Letran sa huling laro.
Pinutok ng Heavy Bombers ang dalawang sunod na kabiguan sa 69-61 panalo sa St. Benilde Blazers, habang ang Knights na pumangalawa sa liga sa huling dalawang taon ay nagwagi naman sa Cardinals, 79-67.
Sina Philip Paniamogan, Michael Mabulac at Bernabe Teodoro ang muling aasahan ng Jose Rizal.
Ang mga beteranong sina Kevin Racal at Mark Cruz ang mga mamumuno sa Letran upang makabangon matapos matalo sa unang dalawang laro.
Sina Racal at Cruz ay tumapos taglay ang 24 at 23 puntos para pigilan ang sana ay pinakamasamang panimula ng Knights sa huling tatlong taon.
Paborito naman ang Lyceum sa Mapua na hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang tatlong laro.
Galing sa 68-84 pagkatalo ang Pirates sa four-peat champions na San Beda Red Lions sa huling asignatura kaya’t hanap nila ang manalo uli para hindi malaglag pa sa standings.
Hindi puwedeng magkumpiyansa ang Lyceum dahil nakitaan ng magandang laro ang Mapua kontra sa Letran at pihadong mas hahamunin ni coach Fortunato Co ang kakayahan ng kanyang mga bataan para maalis na sa huling puwesto sa liga.
- Latest