Dahil sa iba’t ibang injuries ilang kabayo sinuspindi
MANILA, Philippines - ILANG mga kabayo ang suspindido ng isang buwan bunga ng tinamong injuries matapos ang nilahukang karera.
Ang Windbeneathmywings ang siyang may pinakamahabang suspension nang pagbakasyunin ito sa loob ng tatlong buwan matapos paika-ikang dumating matapos ang karera sa San Lazaro noong Hulyo 6.
Kasama naman sa binigyan ng isang buwang pahinga ay ang Keen Focus at Willingandable na inatasan din na sumailalim sa isang barrier race bago opisyal na makabalik sa pagtakbo.
Marami-rami na ring mga kabayo ang may injuries dahilan upang mabawasan ang bilang ng mga aktibong kabayo.
Dahil dito, binuhay ng Philracom ang Committee on Unsound Horses para tutukan ang mga pangarerang kabayo at tiyakin na hindi ito mabubugbog sa ensayo para tumagal ang taon ng pagtakbo.
Si Commissioner Reynaldo Fernando ang siyang inilagay bilang chairman ng komite na makikipagtulungan din sa mga opisyales ng tatlong racing clubs.
Kumikilos ang Philracom sa pangunguna ni chairman Angel Castano Jr. at executive director/commissioner Jess Cantos na hanapan agad ng mga solusyon ang mga problema sa horse racing para hindi masira ang papaangat na benta ng industriya.
Hangad ng Philracom na higitan ang kabuuang kinita noong 2013 na nasa P7,780,482,078.00. (AT)
- Latest