Gilas Pilipinas sasalang na
MANILA, Philippines - Kaagad makakatapat ng Gilas Pilipinas ang Chinese-Taipei sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa 5th FIBA Asia Cup ngayon sa Wuhan, China.
Nauna nang tinalo ng Taiwanese ang Nationals sa group plays ng 2013 FIBA Asia Championship.
“It’s so disappointing because I was so eager to beat Chinese Taipei,” sabi ni Gilas coach Chot Reyes, kinuha ang silver medal sa Asian meet matapos mabigo sa nagkampeong Iran.
Matatandaang nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan dahil sa pagkakapatay ng isang Taiwanese fisherman sa Batanes.
Ito ang nagtulak sa Taiwanese na kanselahin ang imbitasyon sa Pilipinas para maglaro sa Jones Cup na dumiskaril sa paghahanda ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia.
At matapos ito ay tumanggi na ang Gilas na maglaro sa Jones Cup kahit na naresolbahan na ang sigalot.
Tumipa sina gunners Lin Chih-chieh, Lu Cheng-ju at Tien Lei ng pinagsamang 60 points para igiya ang Taiwanese sa 84-79 panalo kontra sa Gilas sa FIBA Asia Championship.
Matapos ang halos dalawang taon ay muling magkikita ang mga Filipinos at Taiwanese sa hard court sa Wuhan.
Ipaparada ng Chinese Taipei ang koponang kinabibilangan ni natura-lized player Quincy Spencer Davis.
Mag-aagawan sa Top Two sa kanilang grupo ang Gilas Pilipinas, Chinese Taipei at Jordan patungo sa crossover semifinals. Nasa kabilang grupo naman ang host China at ang FIBA Asia champion Iran.
Matapos ang Taipei game ay lalabanan ng Gilas Pilipinas ang Singapore sa Lunes at ang Jordan sa Martes.
“For sure, China is playing with its full team and its full strength. China always wants to win the championship while playing at home,” wika ni Reyes.
“Then, I’m sure teams like Iran, Jordan, Japan are also playing with their full team as they did the last time in Tokyo,” dagdag pa nito.
Si naturalized player Marcus Douthit kasama ang siyam na PBA stars at dalawang cadet players ang bumubuo sa Gilas.
- Latest