Si cone at ang kanyang coaching brilliance
Malaki ang aking duda kung may kahit isang nakaisip na may koponang susungkit ng PBA grand slam sa kasalukuyang panahon.
Ni kay coach Tim Cone ay hindi pumasok ang kaisipang ito, lalo na sa taong ito kung saan tumakbo ang season na kumakaripas gaya ng isang snatcher sa Quiapo na hinabol ng mga tao.
Lumaro sila ng halos walang pahinga sa buong season kalaban ang mga kaparehas na premyadong koponan gaya ng Talk ‘N Text, San Miguel Beer, Barangay Ginebra, Alaska Milk at Rain or Shine.
‘Di naglalayo ang lakas ng mga koponang ito, kaya naman di mapupulaan ang balanse ng liga. ‘Di nga ba’t lahat sila ay nakatikim ng kampeonato sa huling anim na taon?
Kaya naman ginimbal ni Cone at ng mga Mixers ang lahat ng sumungkit ng Four-Peat at kumumpleto ng grand slam championship sa PBA Season 39.
“Every time that we came into a big game, I’d say this is the time it ain’t going to happen. We played with fire too much, it ain’t gonna happen. Somehow, the guys found a way. We do it again, get to a Game 7 or Game 5 or even a Game 3, it ain’t gonna happen this time. The odds are not in our favor and the guys again just found a way,” bulalas ni Cone.
Sa post-game interview, pilit na ibinato ni Cone ang kredito sa kanyang mga manlalaro kabilang na ang kanilang reserves gaya nina Ken Bono at Lester Reyes.
Ngunit di ba’t matagal nang buo ang core group ng San Mig Coffee at hindi sila nagdomina ng liga gaya ng ginawa nila ngayon sa ilalim ni Cone?
Para sa akin, si Cone at ang kanyang coaching brilliance ang tunay na susi sa San Mig Coffee grand slam.
Hindi simpleng bagay ang nakamit ni Cone.
Sa maikling panahon mula nang kanyang dalhin ang kanyang talento sa San Mig Coffee, nakuha niya kung ano ang maaaring layunin niya sa kanyang pagtalon mula sa koponang Alaska Milk.
Ikonsidera natin ito: Kampeonato sa ikalawang konperensya pa lamang niya sa San Mig Coffee at four straight title runs na kanyang ginawa mula 2013 Governors’ Cup.
Nasa katuktukan siya ng pedestal ngayon bilang winningest PBA coach at two-time grand slam champion coach.
Mukhang walang titibag nito sa kasalukuyang kapanahunan o magpakailan pa man.
Sobrang lalim na ang pagkakaukit ng pangalang Tim Cone sa PBA history.
- Latest