Panalo ng Prince Popeye pang-apat na ni JB Guce
MANILA, Philippines - Magarang pagbubukas ang kinuha ng mainit na Prince Popeye nang manalo sa nilahukang karera noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si JB Guce ang hinete pa rin ng kabayo na mayroon ngayong apat na sunod na panalo na nagsimula noong Mayo 15 sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Sa class division 4 ginawa ang karera sa distansyang 1,200-metro at hindi umubra ang husay ng mga katunggali para sa unang panalo sa buwan ng Hulyo.
Hindi naman naging madali ang kinuhang panalo dahil kinailangang pagtiyagaan ni Guce ang pagtulak sa kabayo bunga ng malakas na hamon mula sa mga kabayong Wild Talk ni Jeff Zarate at Diamond’s Gold ni RO Niu Jr.
Unang umabante ang Diamond’s Gold at Wild Talk pero pagpasok sa likuran ay naghabol ang Prince Popeye.
Mula sa labas ay nakasabay na ito sa Diamond’s Gold sa huling kurbada at sa rekta ay naiwanan na ang naunang kasabayan.
Nakabawi ang Wild Talk at siyang nakalutsahan ng Prince Popeye ngunit hindi nagbago ang tulin ng nasabing kabayo para mapangalagaan ang isang ulo na kalamangan hanggang sa pagtawid sa meta.
Paborito sa 12 kabayong naglaban ang Prince Popeye pero dahil dikit-dikit ang bentahan, nasa P8.50 ang ibinigay sa win.
Nadehado pa ang Wild Talk para umabot sa P78.00 ang 9-8 forecast.
Pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa panimulang araw ng karera sa linggong ito ay ang Silver Sword ni Jonathan Hernandez sa special handicap race.
Ikalawang panalo ito ng nasabing kabayo sa huling tatlong buwan at nahigitan ni Hernandez ang pangalawang puwestong pagtatapos noong Hunyo 24 nang daigin ang 11 iba pang kabayo.
Ang Don Albertini, Divine Eagle at Silver Sword ang paparating sa rekta pero sa huling 300-metro ng karera ay saka ipinalabas ni Hernandez ang bangis ng Silver Sword para abutan pa sa meta ang Don Albertini ni Kevin Abobo.
Ito ang ikalawang sunod na pangalawang puwestong pagtatapos ng Don Albertini na nadehado pa sa laban para umabot sa P23.00 ang 10-3 forecst. Ang win ay mayroong P5.50 dibidendo.
Nagpasikat din ang Escopeta na siyang lumabas na dehadong kabayo na nanalo sa pista.
Si Jordan Cordova ang dumiskarte sa Escopeta na nanalo noong Hunyo 13 pero hindi gaanong napaboran dahil sa paglahok ng mga matutuling kabayo.
Pero kondisyon pa rin ang Escopeta dahil banderang-tapos ang naitalang panalo sa 1,200-metro karera.
Ang Jazz Bestvibration na diniskartehan ni JB Guerra ang pumangalawa habang ang napaborang Portraitofmylove ang pumangatlo.
May P20.50 ang ibinigay sa win habang P96.00 pa ang inabot ng 4-7 forecast. (AT)
- Latest