NU sasagupain ang UP sa pagbubukas ng V-League
LARO NGAYON
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. – NU vs UP
4 p.m. – PNP vs Ateneo
MANILA, Philippines - Ipapakita ng National University Lady Bulldogs ang bagong puwersa, habang magandang panimula ang nais ng UAAP champion na Ateneo Lady Eagles sa pagsisimula ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Katunggali ng Lady Bulldogs ang UP Lady Maroons sa unang laro sa alas-2 ng hapon, habang masusukat ang Lady Eagles sa PNP Lady Troopers sa alas-4 ng hapon sa liga na inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Wala na sa NU ang mahusay na si 6-foot-2 Dindin Santiago pero solido pa rin ang puwersa ng koponan dahil naririyan pa rin ang 6’4 na si Jaja Santiago bukod pa sa mga matitikas na spikers na sina Carmina Aganon, Myla Pablo at Desiree Dadang.
Pursigido ang Lady Bulldogs sa conference na ito para makabawi sa pagkahubad ng titulo sa First Conference nang matalo sa FEU Lady Tamaraws.
Gagawin din ng Lady Maroons ang lahat ng makakaya para makasilat at sina Alyssa Layug, Yen Ilustre, Angeli Araneta, Monica Ortez at Arylle Magtalas ang kanilang sasandalan.
Sina Alyssa Valdez, Amy Ahomiro, Michelle Morente, Aerieal Patnongon at Ella de Jesus ang mga aasahan ng Lady Eagles para makaisa sa Lady Patrollers na igigiya nina Ana Concepcion, Michelle Datuin, Diane Ticar at Charisse Perez.
Ang Cagayan Valley, winalis ang 16 laro patungo sa titulo noong nakaraang taon, Philippine Army, Philippine Air Force at PLDT Home Telpad ang kukumpleto sa walong koponan na magsusukatan sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa.
- Latest