Puwesto sa semis habol ng RC
MANILA, Philippines - Puwesto sa semifinals ang nakataya sa RC Cola-Air Force Raiders sakaling pabagsakin nila ang Generika-Army Lady Troopers sa 2014 PLDT Home-Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament na magpapatuloy ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nasa ikalawang puwesto sa pitong koponang liga ang Raiders sa 4-1 karta pero ang makukuhang ikalimang panalo sa huling laro sa eliminasyon ay sapat na para umabante sa kompetisyong inorganisa ng Sports Core na handog ng PLDT Home DSL at may suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Ang larong ito ay itinakda sa ganap na ika-2 ng hapon at susundan ng pagkikita ng PLDT Home TVolution Power Attackers at Cignal HD Spikers dakong alas-4 habang ang huling laro dakong alas-6 ng gabi ay sa hanay ng PLDT-Air Force at IEM sa men’s division.
Dalawang format ang nakalatag para sa playoffs dahil may posibilidad na may maka-sweep dahil hindi pa natatalo ang Petron Lady Blaze Spikers matapos ang tatlong laro.
Ngunit nakasaad sa dalawang format na ang papangalawa sa elims ay didiretso na sa semifinals at tiyak na gagamitin ito ng tropa ni coach Clarence Esteban bilang dagdag motibasyon.
Magiging mahigpitan din ang ikalawang laro bunga ng paghahangad ng Cignal ng unang panalo matapos ang 0-4 panimula.
May isa pang laro ang HD Spi-kers matapos ang aksyon na ito at kung hindi palarin na makaisa, dapat silang manalangin na ma-sweep ng Petron ang yugto para magpatuloy ang kampanya sa liga.
Sakaling hindi matalo ang Petron, sila ay aabante sa Finals habang ang number two at three teams ay uusad sa Final Four. Ang huling apat na koponan ay sasalang sa knockout quarterfinals. (AT)
- Latest