5-wrestlers, 1-weightlifter planong ipadala sa Iran ng PSC
MANILA, Philippines - Balak ipadala ni PSC chairman at Asian Games Chief of Mission Ricardo Garcia sa Iran ang mga atleta sa dalawang sports para mas mapaghandaan ang pagsali sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Limang wrestlers na ipinatala ng Wrestling Association of the Phi-lippines (WAP) at ang lifter na si 2-time Olympian Hidilyn Diaz ang inaasinta ni Garcia para magsanay sa Iran gamit ang kapipirma lamang na Memorandum of Understanding ng dalawang bansa sa Tehran.
Nangyari ang pirmahan noong Mayo 31 at si Garcia, na bumisita sa Tehran, ang kumatawan sa bansa habang si H.E. Mahmoud Goodarzi, ang Minster of Sports and Youth, ang kumatawan sa Iran.
“Ang MOU ay parte ng 50th anniversary celebration ng Philippines-Iran Diplomatic Relations. Malaki ang maitutulong ng Iran sa wrestling at weightlifting dahil nanalo sila ng medalya sa London Olympics,†tinuran ni Atty. Guillermo Iroy, Jr. ang PSC executive director na nakasama ni Garcia sa pagbiyahe sa Iran.
May tatlong ginto ang Iran sa wrestling at isa sa weightlifting noong 2012 London Games kaya maipagmamalaki nila ang kanilang magandang programa sa nasabing mga sports.
Ang kontribusyon ng Pilipinas ay ang pagpapadala sa Iran kina bowler Paeng Nepomuceno at billiards players Francisco Bustamante at Efren Reyes para magsagawa ng exhibition games.
Sa Tehran nakuha ni Nepomuceno ang kanyang una sa apat na World Cup titles noong 1976 habang tinitingala sa mundo ng billiards sina Bustamante at Reyes.
Kakausapin sa linggong ito ni Garcia ang tatlong maalamat na atletang ito para malaman kung payag sila na ipakikita ang angking husay sa exhibition games na gagawin sa Oktubre. (AT)
- Latest