Toroman makakaharap ng Gilas
MANILA, Philippines - Magtutungo si coach Rajko Toroman sa 5th FIBA Asia Cup sa Wuhan, China na nakatakda sa Hulyo 11-19 para ga-bayan ang Jordan sa kanyang pagharap sa Gilas Pilipinas, ang kanyang iginiya sa loob ng apat na taon, sa isang posibleng banggaan nila sa Asian Games.
Dinala ng 59-anyos na si Toroman ang Jordan sa Wuhan matapos walisin ang West Asia Basketball Association championships sa Amman.
Dalawang puwesto ang inilaan para sa West Asia sa 10-team FIBA Asia Cup kung saan inangkin ng Iran ang unang tiket matapos magkampeon sa FIBA Asia championship sa Manila noong nakaraang taon.
Sa kanyang unang international stint bilang coach ng Jordan matapos gabayan ang Philippine national team at dalawang club teams sa PBA sa loob ng limang taon ay hindi pa natatalo si Toroman.
Tinalo ng Jordan ang Syria, 82-71, ang Iran, 69-57, ang Iraq, 65-54, ang Yemen, 98-38 at ang Palestine, 74-57, para tumapos na may 5-0 record.
Ito ang unang WABA crown ng Jordan sapul noong 2002.
Hindi naman ipinadala ng Iran ang kanilang senior squad na kinatatampukan ni Hamed Haddadi at sa halip ay pinaglaro ang U18 squad para paghandaan ang FIBA World U18 Cup sa Doha sa Agosto 19-28.
Ang mga koponang maglalaro sa Wuhan ay ang Pilipinas at Singapore mula sa Southeast Asia, Iran at Jordan buhat sa West Asia, ang China, Chinese-Taipei at Japan galing sa East Asia at India ng South Asia.
Dalawang tiket pa ang natitira para sa torneo.
Ang isa dito ay sa Central Asia at ang ikalawa ay sa Gulf.
Alinman sa Kazakhstan o Uzbekistan ang maaaring kumatawan sa Central Asia. Ang mga Gulf contenders naman ay ang Qatar, Bahrain at Saudi Arabia.
- Latest

















