Pagkakataon nang makabawi ni Sonsona
MANILA, Philippines - Apat na taon ang kinailangan bago magkaroon ng pagkakataon si Marvin Sonsona para makabawi sa ‘di magandang pagkatalo na ipinalasap sa kanya ni Puerto Rican boxer Wilfredo Vasquez Jr.
Sa Sabado sa Madison Square Garden sa New York, magkakasukatan uli ang mga dating WBO champions na bahagi sa fight card na ang main event ay sa pagitan nina Miguel Cotto at Sergio Martinez.
Natulog ang tubong General Santos City na si Sonsona kay Vasquez para hindi lamang mabigo sa tangkang pagsungkit sa WBO super bantamweight kungdi nalasap niya ang kauna-unahang pagkatalo sa kanyang career.
Mahigit isang taon ang kinailangan para makapag-isip-isip ang 23-anyos na dating WBO super flyweight champion na bumalik ng ring at ngayon ay may apat na sunod na panalo at ang huling tatlong laban ay sa pamamagitan ng technical knockout.
Aminado siyang napahiya sa pagkatalong nalasap kay Vasquez kaya ginawa niya ang dapat gawin para mapaghandaan ang labang ito at makabawi sa Puerto Rican fighter.
Masasabing maganda ang laban ni Sonsona kay Vasquez dahil nakikita na sa dating WBO super bantamweight king ng pagbaba sa kanyang boxing career.
Matapos maipanalo ang naunang 21 laban, si Vasquez ay may 3-3 karta sa huling laban at salitan ang panalo-talo nito kaya’t tila wala na ang dating kinatatakutang bangis ng kamao nito.
Kasama nga sa tumalo sa kanya ay ang kasalukuyang WBA featherweight champion Nonito Donaire Jr. na nangyari noong Pebrero, 2012 sa pamamagitan ng split decision para sa nabakanteng super bantamweight title.
Ang huling laban niya ay nangyari noong Set-yembre 9, 2013 at nanalo siya sa pamamagitan ng unanimous decision kay Guillermo Avila para sa WBO International super bantamweight divison.
Sa mas mataas na dibisyon mangyayari ang rematch.
- Latest
















