3-team,7-player trade aprub
MANILA, Philippines - Muling pinalakas ng Globalport ang kanilang opensa matapos makuha si scorer Ronjay Buenafe mula sa Barako Bull.
Si Buenafe ay bahagi ng three-team, seven-player trade sa pagitan ng Batang Pier, Energy Cola at San Mig Coffee Mixers na inaprubahan ni PBA Commissioner Chito Salud kahapon.
Maliban kay Buenafe ay nakuha din ng Globalport ni rookie coach Pido Jarencio mula sa Barako Bull ni mentor Siot Tanquingcen ang isang 2015 second round draft pick.
Bilang kapalit ay dinala naman ng Globalport sa Barako Bull sina 6-foot-5 forward Nico Salva at ve-teran guard Bonbon Custodio.
Sa pakikipag-trade sa San Mig Coffee ay nahugot ng Globalport sina 6’9 veteran center Yancy De Ocampo at 6’1 guard Val Acuna at ipinalit sina 6’8 Yousef Taha at forward Ronnie Matias.
Kinuha ng Mixers sina Taha at Matias para lalo pang palakasin ang kanilang frontline na kinabibilangan nina Marc Pingris, Rafi Reavis at rookie Ian Sangalang.
Hangad ng San Mig Coffee ni head coach Tim Cone na makuha ang kanilang Grand Slam sa pamamagitan ng paghahari sa PBA Governors’ Cup matapos magkampeon sa 2014 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Samantala, ibabalik ng Talk ‘N Text si import Paul Harris para palitan si NBA veteran Rodney Carney na hindi nakukuhanan ni coach Norman Black ng solidong mga pigura.
Ang 6’4 na si Harris ang tumulong sa Tropang Texters na makamit ang korona noong 2011 PBA Commissioner’s Cup matapos talunin ang Ginebra Gin Kings, 4-2, sa kanilang title series.
Dumating sa bansa si Harris noong Martes para palitan si Carney.
Ang 27-anyos na si Harris ay may mga PBA career averages na 24.9 points,11.8 rebounds at 2.4 assists sa kabuuan niyang 32 laro para sa Talk ‘N Text. Si Harris ang magiging ikatlong import ng Tropang Texters matapos sina Carney at Othyus Jeffers, nagkaroon ng problema sa kanyang NBA contract.
- Latest