Kabayong Seeing Lohrke kuminang sa pagbabalik ni jockey RA Tablizo
MANILA, Philippines - Kuminang ang Seeing Lohrke sa pagbabalik ng hineteng si RA Tablizo noong Huwebes ng gabi sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Second choice ang nasabing kabayo sa pitong naglabanan sa 1,400-metro distansya at napalabas ni Tablizo ang lakas sa pagremate ng sinakyang kabayo para sa ikalawang panalo sa huling apat na takbo nito.
Ang regular na hinete ng kabayo ay hinalinhinan ni CS Pare Jr. noong Mayo 20 pero tumapos lamang ang tambalan sa ikaapat na puwesto.
Ang Matapat na ginabayan pa rin ni EL Blancaflor ang siyang napaboran sa mga naglabanan pero napahirapan ito ng Emergency Call ni JB Guerra na sumabay agad sa maagang pag-alagwa.
Nasa malayong ikaapat na puwesto ang Seeing Lohrke pero inunÂti-unti ni Tablizo ang pagpapainit sa kabayo hanggang sa pagpasok ng far turn ay nakadikit na ito sa Matapat at Emergency Call.
Ubos na ang Matapat pagpasok sa rekta para manguna na ang Emergency Call ngunit malakas ang dating ng nasa labas na Seeing Lohrke para makuha pa ang kalahating dipang panalo sa karera.
Dahil nadehado pa sa bentahan, ang Seeing Lohrke ay nagpasok ng P43.50 sa win habang ang 2-4 forecast ay mayroong P67.50 dibidendo.
Naipakita ni apprentice jockey JD Juco na gamay niya ang Prize Dancer nang naipanalo niya ang kabayo sa 3YO Special Handicap Race sa 1,500-metro distansya.
Noong Abril 23 huliÂng nagsama sina Juco at ang nabanggit na kabayo at nanalo sila sa isang 3YO Handicap Race 2 sa 1400-metro karera.
Humalili si RC Tabor sa pagdiskarte sa kabayo pero pumangalawa at pumangatlo ang tambalan sa naunang dalawang karera sa buwan ng Mayo.
Sa pagbalik ni Juco, naroroon uli ang gilas ng kabayo para wakasan ang kampanya sa buwang ito tangan ang panalo.
Three-horse race ang dumarating sa rekta dahil nakasabayan ng tatlong taong filly ang Limit Less ni Pat Dilema at Splash Of Class ni AL Gamboa.
Pero nagawang idaan ni Juco ang kabayo sa gitna ng mga katunggali para makuha ang liderato.
Rumemate Ang WilÂlingandable pero kapos na ito para pumangalawa sa datingan.
May P9.50 ang dibidendo na ibinigay sa Prize Dancer habang nasa P14.50 ang ipinamahagi sa 2-6 forecast. (AT)
- Latest